Huwag Kang Susuko

HUWAG KANG SUSUKO

Biglang nagbago ang normal na araw na inakala ni Kokoy, nang makatanggap siya ng isang mahalagang sulat:



August 29, 2017

J.P. Rizal St.,
Metro Manila
Phillipines

Para kay Kokoy Santelmo,

2017? Hindi ako nagkamali sa petsa, pare. Gusto ko lang magkuwento sa’yo bago ka pa umabot sa panahong ‘to. Babala kumbaga. Naaalala mo pa ba noong sinabi mo sa akin dati na wala nang pag-asa ang Pilipinas? Sa panahong 2016, madali lang maiisip ‘yun kasi nag-aalmusal ka ng masikip na trapik sa umaga; kapag tanghali, may makikita ka na namang nangongotong na pulis at mga pasaway na jaywalker. Pag-uwi mo sa gabi, kasalo mo naman sa hapunan ang mga balita tungkol sa nakawan, pang-aabuso at karahasan. Ang mas nakalulungkot pa, tayong lahat ay kasali sa mga salarin. Damay ka sa mga tinatawag mong tamad, bolero at walang kuwenta. Kaya ito ang mahalagang babala ko sa’yo: Huwag kang susuko sa Pilipinas at mga Pilipino.

Lumipas ang isang taon at unti-unting nagkakatotoo ang mga pangako ng pagbabago — hindi lang dahil sa pagkilos ng iilan pero dahil sa pagtutulungan ng maraming Pilipino. Napapabuti ang trapik dahil sa sipag at kabaitan ng mga enforcer. ‘Yung mga billboard, puro pagmamahal sa bayan at mga magagandang aral na ang laman. Nakasasabik manood ng mga balita dahil parami nang parami ang mga opisyal na may magandang proyekto para sa mga nangangailangan. Nandiyan pa rin ang mga kalamidad, bangayan, at mga pagkukulang pero hindi na ako nag-iisa ngayon sa pag-iisip na kayang-kayang baguhin ang pagtingin natin sa mga ganitong bagay.

Dahil sa mga pagbabago, natitiyak ko na: “Lahat ng Pilipino, may tinataglay na galing na magagamit nila para sa kapwa.” Parang mga apoy na iba-iba ang kulay ngunit palakas nang palakas kapag nagkakaisa. Ngayon, nagtutulungan na kami sa maraming bagay. May mga artista pa ngang nakatulong ko sa pakikisalamuha sa mga charity events. May mga mapagbigay na negosyanteng nakipagtulungan sa akin sa mga bagong plano ko. At bagamang nakita ko na may mga pagkakaiba ang mga tao sa atin tulad ng wika at kultura, natuklasan kong mas marami pa rin palang ang mga mga magkakatulad sa atin. Lahat tayo may apoy ng pagbabago. As in lahat, pare. Isipin mo lahat ng kakilala mo — kahit iyong mga taong nakakainis, lalo na ang mga walang pakialam sa tabi — lahat ng Pilipino ay kaya palang isabuhay at magbahagi ng pagbabago.

Hindi layon ng pagbabago ang pagpapalit ng pagkatao; ang mas mahalaga ay ang pagpapaunlad ng sarili at tamang paggamit ng ating natatagong galing. Kumbaga, magaling ka na, hanapin mo na lang at paunlarin nang tama. Mula sa apoy na nakakapahamak, maaaring magamit ang lakas mo sa paggisa ng mga putaheng magbibigay gana tungo sa pagbabago ng bansa.

Marami kaming mula sa hinaharap ang may alam na sa kaloob-looban mo, mahal mo pa rin ang bayan mo. Kailangan mo nang simulang ayusin ito. Balang araw, magkikita rin tayo.

Sumasaiyo,
Ang iyong sarili sa hinaharap,

Kokoy Santelmo
#PINASIKLAB

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *